Sa halip na laitin, dapat tulungan ang mga manggagawang Pinoy.
Ito ang tugon ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano sa komento ni Special envoy to China Ramon Tulfo na tamad at makupad ang mga Pinoy construction worker.
“Ang gusto sana nating reaksyon ng Malacañang sa usaping ito ay kung paano masolusyunan ang problema at hindi kung paano ipagtanggol ang pahayag ni Mr. Tulfo. Talaga namang lantaran ang pagkiling ng administrasyon sa interes ng mga Tsino kaysa sa mga Pilipino,” komento ni Alejano.
Ayon kay Alejano, ang pahayag ni Tulfo ay nagpapatunay lamang kung gaano ito kalayo sa masaklap na reyalidad na kinakaharap ng mga manggagawang Pinoy.
“Imbes na laiitin, ay dapat tulungan ang ating mga manggagawa na hasain ang kanilang kakayahan at matigil ang hindi makatarungang pagtrato sa kanila,” giit ni Alejano.
Tatlong taon na aniya ang nakalipas at ang pangako sa mga OFW na may daratnang trabaho pag-uwi ay nanatiling pangako lamang.