Imbestiga muna bago daldal

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Nitong nakalipas na mga araw, dalawang ma­tinding trahedya ang naganap sa bansa na mistulang pinalala pa ng ating mga opisyal dahil sa idinudulot nilang kalituhan sa publiko bunga ang mga pinagsasabi nila sa media kahit ‘di pa tapos ang eksena.

Gaya na lang ng bakbakan ng tropa ng pamahalaan at mga teroristang grupo sa Marawi City na hindi mo na malaman kung ang kalaban ba ay Maute Group, Abu Sayyaf Group o kung anu-ano pang grupo.

Sa simula kasi ng bakbakan, todo depensa agad ang militar na hindi raw sumalakay ang Maute sa Marawi kundi umayuda lang sa darakpin sana nilang ASG leader na si Isnilon Hapilon, sinasabing itinalaga ng teroristang ISIS bilang lider ng kanilang grupo sa Southeast Asia.

Tila minaliit pa nila na wala pa raw 100 ang grupo ng Maute na nanggugulo sa Marawi at kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon. Nagtakda pa nga sila ng araw na matatapos na ang krisis pero ‘di naman nangyari.

Ngayong mahigit dalawang linggo na ang bakbakan, lumilitaw na pinagplanuhang mabuti nina Hapilon at mag-utol na Omar at Abdullah na lider ng Maute ang pagsalakay sa lungsod.

Tanong marahil ng ating mga kurimaw, nasaan na ang huhulihin nilang si Hapilon? Aba’y wala pa. At mukhang pati ang mag-utol na Maute eh nakalulusot din sa patuloy na operasyon sa Marawi. Ang mga kawawa ay ang mga sibilyan.

At sa kabila ng lumalabas na mga impormasyon na terorismo at planong pagtatayo ng kuta ng ISIS ang pakay ng mga terorista, biglang hirit naman si Justice Sec. Vitaliano Aguirre, na mistulang nang-i-intriga at ipinahiwatig na ilang senador ng oposisyon ang sangkot sa pagpaplano ng kaguluhan sa Marawi.

Kung buhay lang siguro si dating senador Miriam Santiago, malamang napasigaw na naman siya ng “wah!” Kasi naman, papaanong sasawsaw ang mga taga-oposisyon sa Marawi siege gayung terorista ang lumilitaw na nagpapakulo nito. Aba’y hindi naman Muslim ang mga iniintriga niyang senador at anong mapapala nila sa ISIS?

Ang mahirap pa, kung anu-anong teorya na ang idinidikit sa Marawi attack at sinasabing may pondo umano ng ISIS, mayroon daw drug money at ngayon ay sasamahan pa ng destabilisasyon. Tapos na ba ang imbestigasyon?

Ang sobrang dami ng mga inilalabas na ‘hilaw’ na impormasyon habang ‘di pa tapos ang imbestigasyon ay nangyari rin mga tsong sa Resorts World Manila, na unang may nagsabi na ‘ISIS’ ang may gawa ng gulo at inakalang marami ang may pakana.

Napaaga rin ang anunsyo na tapos na ang problema sa RWM at wala raw nasaktan dahil hindi raw namaril ng tao ang umatake, na kinalaunan ay lumitaw na 37 inosente ang nasawi dahil sa suffocation.

Sa Amerika, kahit simpleng kaso ng krimen, mai­ngat magbigay ng pahayag ang mga opisyal at kung minsan ay talagang hindi sila nagsasalita hangga’t hindi sila tiyak kung ano ang nangyari.

Bukod dito, may sadyang nakatoka kung sino lang ang dapat magsalita at hindi iyong kung sinu-sinong opisyal e puwedeng magdaldal.

Dapat ganito rin ang ipatupad ng mga opisyal natin para iwas sila sa bulilyaso, na kapag sumabit ay media na naman ang sisisihin at gagamitin ang gasgas na palusot na ‘misquoted.’

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)