Imbestigasyon sa mga kolorum online courier minamadali

Hinimok ng isang anti-crime watchdog ang Kamara na agarang simulan na nito ang pagdinig sa mga naglipanang online at app-based courier service.

Ayon sa Citizen Crime Watch (CCW), dapat na umanong suspindihin muna ng awtoridad ang operas­yon ng mga nagsulputang kompanya na may kinalaman sa online courier service dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Giit ng CCW, aabot sa 100 na hindi awtorisadong online courier companies, kabilang na ang tinatawag na ‘big players’ na pag-aari ng mga dayuhang kompanya ang nag-o-operate sa buong bansa, kahit pa ang lisen­syang ibinigay sa kanila ay limitado lamang sa National Capital Region (NCR).

“Why those entities obviously guilty of open breach of the law have been allowed registration, thus legitimizing disrespect for rules and regulations,” giit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng CCW.

Dagdag pa ni Topacio, dapat pairalin ng pamunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilalim ni Sec. Gringo Honasan ang ‘political will’ at mag-sagawa rin ng hiwalay ng imbestigasyon sa nasabing isyu.

“Sa tingin ko dapat may ‘will po­wer’ kung sinasabi ng DICT na kulang ang regulator power nila. They can ask the NBI or DILG to apprehend these illegal couriers,” wika ni Topacio.

Naghain nitong Nobyembre si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza ng isang resolution upang imbestigahan ang mga colorum na online at app-based courier service dahil sa umano’y mga ulat na ginagamit ito ng ilang masasamang loob para sa kanilang mga iligal na modus. (JC Cahinhinan)