Imbestigasyon sa PCSO corruption tatapusin sa 3 buwan

Imbestigasyon sa PCSO corruption tatapusin sa 3 buwan

Posibleng matapos sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan lamang ang isinasagawang lifestyle check ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) hinggil sa korapsyon sa nasabing ahensiya.

Ito ang inihayag ni PACC Commissioner Greco Belgica sa panayam ng himpilang DZBB nitong Sabado.

Aniya, pagkatapos ng kanilang imbestigasyon at evaluation ay pa­sasagutin din ng PACC ang nasa 13 hanggang 20 opisyal ng PCSO na kanilang isinasailalim ngayon sa lifestyle check.

Kasunod nito ay magsusumite sila ng rekomendasyon kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte at saka maghahain ng kasong kriminal sa Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal na mapapatuna­yang sangkot sa katiwalian sa PCSO.

Sabi ni Belgica, natukoy na nila ang mga opisyal ng PCSO batay na rin sa mga nakalap na intelligence report ng PACC gayunman, tumanggi itong pangalanan maliban sa pagsasabing mga dati at kasalukuyang nakaupo sa PCSO ang mga ito.

Ang mga naturang opisyal umano ang may desisyon kung sino ang bibigyan ng prangkisa ng PCSO at kung magkano naman ang tatanggapin.