Sa halip na sagutin, tinakasan ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang mga reporter na nag-usisa tungkol sa kanyang graduation record sa University of the Philippines-Diliman.

Ito’y makaraang dumalo si Marcos sa campaign rally ng mga senatorial bet ng Hugpong ng Pagbabago sa Valenzuela City.

Paalis na si Marcos nang sundan siya ng mga reporter para makapanayam sa kinukuwestiyong graduation record niya sa UP Diliman.

Pero nakangiti lang si Marcos habang pa­nay ang pagtatanong sa kanya ng mga reporter na hinahawi naman ng kanyang mga alalay.

May isang reporter na humingi pa ng kanyang reaksyon ukol sa anibersaryo ng EDSA People Power revolt pero hindi rin ito sinagot ni Marcos.

Sinundan siya ng mga reporter hanggang sa kanyang sasakyan pero walang napala ang mga ito na kasagutan at tanging “bye, bye” lang ang binanggit ni Marcos bago ito tuluyang umalis.

Nauna rito ay ipinahayag ng Office of the President ng UP Diliman na wala silang record na nagtapos si Marcos sa UP College of Law. Wala rin umano silang record na ginawaran ito ng honor o anumang para­ngal taliwas sa ipinaha­yag ng kampo ni Marcos na nagtapos ito ng law degree at cum laude pa.