Imee Marcos inihingi ng tawad ang ama

Hiniling kahapon ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa mga kritiko ng kanyang yumaong amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos na patawarin na ito sa anumang nagawang kasalanan.

Sa dinner celebration para sa ika-99 birthday anniversary ni dating Pa­ngulong Marcos na idinaos sa Ilocos Norte, sinabi ni Imee na tao lamang ang kanyang ama kaya nakagawa ito ng mga pagkakamali.

“Anuman ang kasalanan ng aking ama, sapagkat hindi naman niya kailanman sinabi na siya ay hindi tao lamang na nagkakamali at nakakasala… sana sa kabila nito, mahanap na rin nila ang kapatawaran… sa pagpapatawad sa atin, sa aking ama, sa pagpapatawad, sana mapawi na rin ang galit nila at sila mismo ay mabigyan ng kapayapaan at katahimikan,” ani Imee.

Sa naturang pagtitipon, nangalap din ng isang milyong lagda ang pamilya Marcos na nagsusulong sa kahilingang mailibing na sa Libingan ng mga Bayani ang yumaong da­ting pangulo. Inilunsad na rin sa online campaign na #ilibingNa si President Marcos sa LBNM”.

Nauna rito, sinabi ni Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na nananalig pa rin siya na mangingi­babaw ang katotohanan. “Truth and justice will eventually prevail,” ani Rep. Marcos.