Wala nang kawala si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos tungkol sa usapin ng kanyang school record dahil mismong si Davao City Mayor Sara Duterte na ang magtatanong kung totoong nakapagtapos ito ng pag-aaral sa University of the Philippines (UP) at Princeton University sa New Jersey, USA.
Sinabi ni Sara na personal niyang tatanungin si Marcos tungkol sa kanyang college degree matapos itong iwasan ng senatorial candidate sa mga ambush interview sa kampanya.
“I will ask Senator (Governor) Imee Marcos kung ano ang sagot niya, or kung wala (siyang) sagot, tungkol sa kanyang school records,” wika ng alkalde sa isang ambush interview sa kampanya ng Hugpong ng Pagbabago sa Quezon City nitong Huwebes, Pebrero 28.
Nauna rito ay ipinagmamalaki ni Marcos na nakapagtapos siya sa Princeton at UP pero itinanggi ito ng mga opisyal ng dalawang unibersidad.