Suportado ng mara­ming Pinoy ang ipinagla­laban ng Angkas sa gobyerno, maliban na lamang sa pagsakay ni Senador Imee Marcos.

Nabuwisit ang mga netizen nang makitang sumawsaw ang anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa isinagawang kilos-protesta ng libu-libong Angkas rider sa EDSA Kalayaan Shrine sa Quezon City.

“Imee Marcos ­suddenly appear on ­#SaveAngkas rally when her ­family doesn’t even know ­minimum jeepney fares. Total opportunist,” tweet ni Rod Magaru.

“Wala namang ‘­Angkas’ sa probinsya. Ulol ka imee baba. Ang Angkas naman nagpapa-uto-uto! Bakit niyo siya binigyan ng pla­taporma,” litanya ng isang Jus Dicere nang makita ang larawan ng senadora sa stage.

“#SaveAngkas pero bago ‘yon @angkas ba’t andyan si Imee?” ­himutok ng isang netizen.

Ilang rider naman ang nagpost ng pinapakalat na press statement ni Marcos sa kanilang kilos-protesta.

Samantala, inihayag ng pamunuan ng Land Transportation Franchi­sing and Regulatory Board (LTFRB) na ­maaaring ­i-absorb o kunin ng mga bagong papasok na kompanyang JoyRide at Move It ang mga Angkas rider, kasunod ng pangamba na mawawalan ng trabaho ang 17,000 sa kabuuang 27,000 rider nito.

Ayon sa LTFRB, makabubuti para sa mga commuter ang kompetisyon at wala dapat monopolyo sa ride-hailing applications, bukod pa sa ­napag-usapan umano sa isinagawang ‘consultation meeting’ ng Transport Networtk ­Vehicle Service (TNVS) ang cap, pero hindi naman ito tinutulan ng Angkas.

Una rito ay ­mariing itinanggi ng Technical Working Group (TWG) ang pahayag ng Angkas na mawawalan ng trabaho ang nasa 17,000 rider nito, kasunod ng extension ng pilot implementation ng mga motorcycle taxi mula Disyembre 23 hanggang Marso 23, 2020.

Sa isang pahayag, sinabi ni Antonio Gardiola Jr., LTFRB board member and concurrent TWG for MC taxis chairman, hindi totoo at walang basehan ang pahayag ng naturang kompanya, at madadagdagan pa nga ang masasakyang mga motorcycle taxi ng mga commuter dahil mas maraming rider ang sasama sa pilot test.

Aniya, 39,000 na rider ang sasama sa pilot test, dahil bukod sa Angkas, papasok na ang bagong service provider na Move It at JoyRide.

Nanawagan ang TWG sa Angkas na huwag gamitin ang social media upang ilihis ang tamang impormasyon sa publiko. (Dolly Cabreza)