Walang record ang University of the Philippines sa Diliman, Quezon City na magpapakitang nagtapos sa nasabing pamantasan si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
Ito ang tugon ng Office of the President ng UP sa katanungan ng GMA Network hinggil sa nasabing isyu.
Kumuha umano si Marcos ng non-degree course sa College of Arts and Sciences ng UP Diliman noong academic year 1976-77 pagkatapos ay kumuha naman ng kurso sa ilalim ng Bachelor of Law program ng UP College of Law mula unang semester noong 1979 hanggang second semester noong 1983.
Gayunman, wala umanong rekord na nagtapos si Marcos sa UP Diliman o ng kahit na anong honor o academic distinction na natanggap buhat sa University Registrar’s Office.
Nauna rito ay lumabas sa official Facebook page ni Marcos ang mga larawan ng pagdalo umano nito sa graduation ng UP College of Law noong 1983.
Samantala, isang netizen na nagngangalang Angelo A. Bernardo Jr. ang nag-post sa kanyang Facebook account ng kopya ng UP Yearbook noong 1983 para ipakita na walang katotohanan umano ang sinasabi ni Marcos na graduate siya ng UP College of Law.
“I have here a copy of the 1983 Philppinensian, the University of the Philippines Yearbook. Now this Imee Macoy claims to have graduated cum laude from the U.P. College of Law in 1983. Walang sya sa Philppinensian, not on the UP College of Law section, and not anywhere else on the yearbook!” sabi ni Bernardo.
Ipinost ni Bernardo ang kanyang kopya ng yearbook pati na ang litrato ng ilang nagtapos para ipakita na hindi kasama dito si Marcos.