PAGKATAPOS ng bombahan sa concert ni Ariana Grande sa Manchester, England, sumunod sa atin ang gulo sa Marawi City.
Kaya usap-usapan na baka maapektuhan ang concerts na naka-schedule dito sa atin at pati na ang mga pelikulang ipinapalabas sa mga sinehan.
Nakausap namin kamakalawa ang bagong presidente ng KAPPT na si Imelda Papin, nakipag-ugnayan daw sila kay Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa para tulungan sila sa security ng binubuo nilang concert sa June 3 sa Skydome ng SM North Edsa.
Pahayag ni Imelda, “Meron na kaming naka-assign sa security headed by Board of Directors Val Iglesia and Boy Roque, plus the support of our police, will be there. We tried to contact Gen. Bato to help us to secure the place.
“Ang SM naman po ay bibigyan tayo ng sapat na security.”
Itong concert ng KAPPT ang unang project ni Imelda sa ilalim ng kanyang pamumuno sa naturang guild ng mga artista.
Fund-raising project ito, dahil balak niyang ikuha ng PhilHealth ang members ng KAPPT.
Ipina-waive niya ang membership due ng lahat na miyembro, dahil karamihan sa mga miyembro ay walang trabaho.
Naisipan niyang magpa-concert kung saan nagbebenta sila ng tickets worth P2,000 each para dagdag na pondo sa naturang guild.
Marami raw mga kaibigang singers at artista na nag-commit na darating sila para mabigay-aliw sa mga manoood.
Ilan daw sa mga nag-confirm na mag-perform nang libre ay sina Claire dela Fuente, Eva Eugenio, Victor Wood at nakausap din niya si Toni Gonzaga na baka pagbigyan sila.
Lahat daw na kikitain sa naturang concert ay malalaman ng lahat na miyembro.
“‘Yung ma-raise po namin dito, I will see to it na maging transparent. I will practice transparency sa aming guild para maging masaya ang lahat,” pakli ng bagong KAPPT prexy.
***
Isa sa napapag-usapan ngayon ang usaping Martial Law pagkatapos mag-declare ni Pres. Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Kaya napapanahon itong ipapalabas ng TV5 na bagong episode sa Brillante Mendoza Presents: Panata na mapapanood sa Sabado ng 10:30 PM.
Ang kuwento nito ay noong panahon ng Martial Law na kinunan sa Marinduque kung saan ang sikat na Moriones Festival ang background.
Na-capture dito ang naturang festival kung saan naging bahagi rito ang mga pangunahing karakter na ginampanan nina Sue Prado, Arnold Reyes, Kristoffer King at Felix Roco.
Proud si direk Brillante sa episode na ito dahil sa Martial Law ang setting nu’ng 70s, nabusisi ang production design nito na pinamahalaan ni Ben Payumo.
Nai-promote pa ito ni direk Brillante bago siya tumulak patungong France para sa Cannes filmfest.
Napili si direk Brillante na mag-mentor sa filmmakers na bahagi sa three-day seminar.
Tinagurian si direk Brillante sa Cannes na Godfather of La Fabrique des Cinemas du Monde.
Isa rin siya sa naimbitahang dumalo sa selebrasyon ng 70th anniversary ng Cannes kasama ang mga kilalang filmmakers sa buong mundo.