Impeach vs CJ Sereno irerespeto ng Palasyo

Maria Lourdes Sereno

Nirerespeto ng Malacañang ang desisyon at na­ging hakbang ng ilang grupo na naghain ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

“We respect the decision of whoever filed the cases… the case against the Chief Justice… and of course, we’ll stand by that,” pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Marie Banaag sa press briefing sa Malacañang kahapon.

Iginagalang, aniya, ng Punong Ehekutibo ang “separation of po­wers” ng bawat sangay ng gobyerno.

Nitong Miyerkules, Agosto 3 ay naghain ng impeachment complaint laban kay CJ Sereno sa Kamara ang anti-crime watchdogs na Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Vanguard of the Philippine Constitution (VPC) gayundin ang isang Atty. Lorenzo Gadon bunsod ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, corruption, iba pang high crimes, at betrayal of public trust.

Inaakusahan ng grupo si CJ Sereno na naglalabas ng administrative orders kahit hindi aprubado ng Supreme Court en banc.

Wala pang pahayag ang Pangulo, ayon kay Banaag, patungkol sa usapin.

Makasisiguro umano ang publiko na hindi makikialam ang Pangulo sa inihaing reklamo laban kay Sereno.