Siniguro ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto na hindi maapektuhan o masasakripisyo ang kanilang mga priority bills kung sakaling maiakyat sa kanila ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Ayon kay Sotto, chairman ng rules committee, hindi sila papayag na masisira ang kanilang legislative calendar dahil sa impeachment.

Maaring darami lamang umano ang kanilang trabaho ngunit tuloy ang pagpasa sa mga nakalinyang panukala.

“Dadami lang trabaho namin pero hindi namin sisirain ‘yun,” ayon kay Sotto kasabay ng pagsasabing maaring hahaba lamang ang oras ng kanilang trabaho.

Bukod sa maaring hanggang Sabado ang kanilang sesyon lalo na kapag matuloy ang dalawang impeachment.

“Kung dalawa ang impeachment, hindi namin dapat hayaang sumikip ang docket namin kaya Monday to Saturday magtatrabaho kami, yun ang isu-suggest ko,” ayon pa kay Sotto.

Bukod ka Sereno, may nakahain ring impeachment complaint laban kay Comelec Chairman Andres Bautista.