Naihain na kahapon sa Kamara ang ikalawang impeachment complaint laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at nakakuha ito ng inisyal na 25 endorsements mula sa mga mambabatas.
Inihain ni Atty. Larry Gadon ang reklamo sa House Secretary General pasado alas-sais ng gabi gamit ang apat na dahilan para mapatalsik si Sereno, kabilang dito ang culpable violation of the Constitution, corruption, other high crimes at betrayal of public trust.
Nilabag umano ni Sereno ang Saligang Batas dahil sa ginawa nitong pamemeke ng ilang resolusyon at temporary restraining order ng SC, pagsisinungaling sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth at pagmanipula sa shortlist ng Judicial and Bar Council para sa bakanteng posisyon sa SC.
Inakusahan din ni Gadon ng korapsyon si Sereno matapos itong bumili ng P5 milyong halaga ng sasakyan gamit ang pondo ng korte, pag-check in sa mga mamahaling hotel sa kanyang mga biyahe, pagbili ng business class na ticket sa eroplano at pagsasama ng maraming lawyer sa kanyang mga foreign trips.
Nakagawa rin umano ito ng ibang high crimes matapos nitong atasan ang Muntinlupa RTC na huwag magpalabas ng warrant of arrest laban kay Sen. Leila De Lima at kinausap ang Presiding Justice at iba pang mahistrado ng Court of Appeals upang huwag sundin ang utos ng House of Representatives.
Sinira rin umano ni Sereno ang tiwala ng publiko matapos itong kumuha ng serbisyo ng Information Technology consultant ng may napakalaking suweldo na hindi dumaan sa public bidding.