Hindi na ako magtataka kung agad na ibasura ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang impeachment case laban kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil kung hindi ito mangyayari, anong silbi ng mga ni-recruit nilang miyembro para tumatag ang kanilang partidong PDP-Laban?
Numbers game at political games ang impeachment proceedings sa Kongreso at kahit sabihin pa na ‘sufficient in form” ang isinampang reklamo ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano dadaan pa rin ito sa botohan kung sufficient in form nga ba.
Karaniwan, idinedeklarang sufficient in form ang ihinahaing reklamong impeachment laban sa isang impeachable officials pero pagdating sa sufficiency in substantance d’yan na nagkakatalo dahil mananaig na ang boses ng mga kapartido ng Pangulo, d’yan na papasok ang papel ng mga kapartido ng Pangulo na protektahan ang kanilang boss.
Maniniwala akong mai-impeach si Duterte kung hindi sapat ang puwersa niya sa Kamara pero sa kalagayan ngayon ng PDP-Laban sa Kamara, malabong mangyari ‘yan. Kaya nga sila nagpaparami kahit matagal nang tapos ang eleksyon.
Mas imposibleng ma-impeach ang isang impeachable official kung dadaan pa ito sa regular na proseso o dadaan muna ito sa House committee on justice para idetermina ang sufficiency in form and substance ng reklamo.
Noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, kahit pa nagsagawa ng pagdinig ang komite, agad na nakaipon ang mga complainant ng sapat na bilang ng endorser kaya naiakyat ito sa Senado at nalitis.
Hindi nga lang natapos ang pagdinig ng Impeachment court sa impeachment case ni Estrada dahil nagtipun-tipon na sa Edsa ang kanyang mga tao kaya napilitan si Erap na bumaba.
Iba naman ang kaso ni dating Supreme Court (SC) Renato Corona dahil bago pa maisampa ang kaso ay may sapat na bilang na ang Liberal Party (LP) para siya i-impeach kaya hindi na ito dumaan sa regular na proseso at agad na naiakyat ang kaso sa Impeachment court.
Masyadong popular noon si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III kaya na-impeach si Corona at sinuportahan ito ng taumbayan kaya ang desisyon, tanggal siya sa SC at isa pa, wala siyang puwersa sa Kamara.
Ibig sabihin para ma-impeach ang isang impeachable official, tiyakin muna na mayroong sapat na bilang ng endorser para hindi na dumaan sa regular na proseso dahil kung ang mangyayari sa kaso ni Duterte, wala talagang mangyayari.
Noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, halos taun-taon ay sinasampahan siya ng impeachment complaint pero dahil kulang ang endorser binabaril agad sa committee.
Hanggang sa sufficiency in form ang inaabot lang ng mga reklamo noong ni Gng. Arroyo at pagdating sa sufficiency in substance eh patay na ang reklamo hanggang sa matapos na lang ang termino niya bilang Pangulo.
May pagkakataon pa nga na mismong kaalyado ni Arroyo ang nagsampa ng impeachment complaint laban sa kanya para maproteksyunan ang kanyang puwesto dahil isang beses sa isang taon lang puwedeng kaso ang isang impeachable official.
Pero okey ‘yung ginawa ni Cong. Alejano dahil taliwas ito sa sinasabi ng mga bataan ni Digong na mayroong destabilisasyon laban sa Pangulo. Ang dine-destabilize na pangulo ay hindi na ini-impeach.
(dpa_btaguinod@yahoo.com)