Isinulong ni Senador Koko Pimentel ang panukala para sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa napaulat na importasyon ng plastic waste mula sa South Korea (SoKor).
Sa kanyang Senate Resolution 939, hiniling ni Pimentel sa kaukulang komite sa Senado na busisiin ang dumating na shipment mula sa SoKor na idineklarang ‘plastic synthetic flakes’.
Dumating ang shipment noong Hulyo sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental lulan ng MV Affluent Ocean.
Nabatid na sa pamamagitan ng alert order na inilabas ng Bureau of Customs (BOC) noong Oktubre, nadiskubre nitong buwan na ang shipment ay naglalaman ng tone-toneladang plastic wastes, wood at iba pang materyales na tinawag nitong ‘SoKor trash’ sa halip na plastic flakes.
Ipinaalala ni Pimentel sa resolusyon na alinsunod sa Section 1400 ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, pinapatawan ng 250% ng duty at tax due ang mga misdeclared at misclassified goods bukod pa sa 500% surcharge.
Lumitaw sa rekord na ang consignee ng shipment ay ang Verde Soko Philippines Industrial Corporation na kumpanyang may recycling plant sa loob ng PHIVIDEC Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Iginiit pa ni Pimentel na nahaharap na naman ang bansa sa isyu ng panibagong basura ng ibayong dagat habang hindi pa nareresolba ang basura mula sa Canada.