Sisimulan ng Kamara ngayong araw, Pebrero 26, 2019 ang pag-iimbestiga sa nakapuslit na imported na basura galing South Korea.

Magtutulong-tulong ang tatlong komite (House Committees on Ecolo­gy, Local Government, at Good Government and Public Accounta­bility) para kalkalin ang usapin kaugnay sa mahigit 6,000 metric tons ng basura na nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng Verde Soko Philippines at itinambak sa Phividec Industrial Estate sa Misamis Oriental.

Ayon kay Misamis Oriental Rep. Juliette Uy, nag-akda ng House Resolution 2317 para masiyasat ang isyu, tinatayang nasa 5,000 metric tons pa ng basura ang nasa Phividec.

“Only the second delivery of 51 ship containers were shipped back to South Korea last month. We have yet to ascertain how that shipment was able to slip into the country,” pahayag­ ni Uy.

“The trail of the 5,176.91 metric tons of solid waste, also from South Korea and still in Misamis Oriental with Verde Soko in the Phividec Industrial Estate, has yet to be determined as well. That first shipment remains at the Phividec,” dagdag nito.

Binanggit ni Uy na may basbas at suporta ng liderato ng Kamara ang gagawing imbestigasyon.

Matatandaan na matapos madiskubre ng Bureau of Customs (BOC) ang ipinuslit na basura ay nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) na nagbigay daan para sampahan ng kasong kriminal ng Justice Department ang mga opisyal ng Verde Soko.