Impounding area ilipat sa Sulu

Una nang ipinahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade na igagarahe o i-impound sa Tarlac ang mga sasakyan na sagabal sa mga daanan subalit hindi kuntento ang isang mambabatas dito at iminungkahing dalhin ang mga ito sa Mindanao.

Naniniwala si Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe na mas magiging epektibo ang pagkastigo sa mga pasaway na may ari ng mga behikulo na balagbag na nagpaparada kung saan-saan na sa Mindanao partikular sa Sulu i-impound ang mga mahahatak na sasakyan.

“Tama ‘yan. Kung ako nga ang masusunod, dapat sa Sulu na lang ipadala ang mga na-impound na mga nakaparada at nakahambalang na sasakyan sa Metro Manila.

Ito ay para maranasan din ng mga pasaway na may ari ang hirap at inis ng publiko sa kanilang kawalan ng disiplina. Tingnan nga natin kung may magpapasaway pa kung kukunin ang mga sasakyan sa Sulu,” pahayag ni Batocabe.

Sinabi naman ni Quezon City Rep. Winston Castelo, chair ng House committee on Metro Manila Development na kinakailangan talaga ng pag-disiplina sa mga motorista para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.

“There will be more traffic discipline. Drivers will be more cautious now as they will suffer the inconvenience of going to Tarlac should violation occurs,” ayon kay Castelo.