Imus magpapalakas sa grassroots sports

Hindi titigil ang lokal na pamahalaan ng Imus City sa Cavite para makatuklas ng mga kabataan na magiging parte ng pambansang koponan at bilang modelo ng lungsod sa pagtulong nito sa mga malalaking torneo tulad ng Philippine SuperLiga (PSL).

Ito ang inihayag ni Imus Mayor Emmanuel Maliksi sa pagho-host ng Imus City Mayor Maliksi Super Cup “Spike for A Cause” kung saan tatlong koponan mula sa PSL at bisitang West Japan All-Star Selection ang mag-aagawan sa titulo.

“We really want to have our own athlete or athletes, from our city that will soon be part of the national team, or has represented our country in the international competitions. Kaya po gusto namin na makita sa aming lungsod ang ganito kataas na kalidad na kompetisyon upang makita nila ang lebel ng laro at para mas mapataas namin ang kalidad ng aming grassroots sports development,” wika ni Maliksi.

Una nang naging bahagi ang siyudad sa 30th Southeast Asian Games PH 2019 sa pag-ako sa pagdaraos ng underwater hockey at women’s football. (Lito Oredo)