Kaawa-awa ang sinapit ng isang mag-iina na nalason ng kinain nilang nilagang karne na bigay diumano ng kanilang kapitbahay mula sa inihanda sa kasalan sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Dalawang paslit ang nasawi sa insidente habang ang dalawa pang kapatid ng mga ito ganundin ang kanilang ina ay nilalapatan pa rin ng lunas sa pinagdalhang ospital sa kanilang bayan.

Batay sa inisyal na ulat, naisugod pa sa pagamutan ang dalawang nasawing paslit na limang taon at tatlong taong gulang pero hindi na nailigtas ang kanilang buhay.

Nakaratay din sa ospital ang kanilang ina at dalawa pang mga kapatid dahil sa nararanasan na matinding pananakit ng tiyan.

Pasado alas-sais umano ng gabi kamakalawa nang kumain ang mag-iina ng nilagang karne ng baboy na bigay ng ikinasal na kapitbahay.

Matapos makakain ay nakaramdam ng panghihina ang mag-iina hanggang sa natumba na umano ang mga ito sanhi ng pagkalason sa kinaing ulam sa handaan.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente para matukoy kung ano talaga ang dahilan sa sinapit ng mag-iina.

Sa panig ng kanilang kapitbahay na nagbigay ng ulam, ipinaliwanag diumano ng ina ng babaeng ikinasal na pinagsaluhan pa nila ang ulam at wala namang nangyari.

Binigyan umano nila nito ang ama ng mga biktima na si Jobert Rusia na siyang nag-uwi sa kanilang bahay ng ulam na pinagsaluhan ng mag-iina nito.