Kung si Ina Feleo ang tatanungin ay ready na siyang magpakasal sa Italian boyfriend niya na si Giacomo Gervasutti.
Magtu-2 years na ang relasyon ng Kapuso actress sa binatang Italyano na na-meet niya nang magbakasyon silang mag-iina sa Venice. May photography at tour business ito roon.
Dati ay parang ayaw raw ni Ina ng nobyong foreigner dahil magkaiba ang ugali at ng kultura, pero sa kaso ni Giacomo ay hindi naman daw pala.
Isa pa ay very supportive ito sa career niya. Kahit may slight pahubad siyang eksena sa mga pelikula ay suportado siya nito at ito pa ang nagsasabing gawin niya, pero dapat maganda.
Nainlab si Giac sa San Vicente, Palawan nang magpunta sila roon ni Ina. Ngayon ay meron na itong restaurant doon called Marina Terrace at balak din nitong magbukas ng resort sa isla with some of his Venetian friends.
Tingin ni Ina kay Giac ay parang hindi ito nagmamadaling mag-asawa. Mas gusto nitong ayusin muna ang pag-transfer dito sa ‘Pinas dahil alam nitong may career rito, so malabong siya ang tumira sa Italy.
Happy ang 32-anyos na bida ng Pinoy sci-fi movie na ‘Alimuom’ sa kanyang Italian boyfie, so nakikita na raw niya ito as her future husband. Sa edad ni Ina ay parang gusto na rin daw niyang magka-baby.
Natatawang hirit niya, trending ngayon ang mga jowang afam dahil si Eugene Domingo ay may Italian BF, si KC Concepcion ay may French at maging ang Ate Ana Feleo ni Ina ay may American boyfie sa New York.
Ylona kinabog sina Kyle, Jeremy
Bumilib kami sa pagkaastig ni Ylona Garcia nang panoorin namin itong nag-o-obstacle race sa bagong paandar na attraction ng ABS-CBN na Studio Experience o Studio XP.
Naaliw kaming panoorin ang mga Kapamilya teen na sina Ylona, Kyle Echarri, Elha Nympha at Jeremy Glinoga habang nahihirapan silang kumapit, lumambitin at maglambaras sa Action Academy area sa Fantasy Studio ng Studio XP.
Para sa mahihilig sa aksyon ala Cardo Dalisay ‘yung part na ‘yon na susubok sa strength at speed ng adventure seekers.
In fairness sa 16-anyos na si Ylona, ang bilis niyang na-navigate ang obstacle course at kinabog niya maging ang dalawang boys na sina Kyle at Jeremy. Astig ni girl!
Dahil aligaga sa iba’t ibang ganap sa Studio XP, hindi namin natanong si Ylona kung anong feeling niya na hindi siya nami-miss ng dati niyang ka-loveteam na si Bailey May at tila hindi na siya kilala ng binata (na may career abroad sa One United).
Ang biriterang si Elha na bumanat ng ‘Chandelier’ ay napaikot ang apat na virtual coaches na sina Sharon, Lea, Sarah at Bamboo doon sa ‘The Voice’ Open Mic, na kahit sino ay puwedeng maki-blind audition.
‘Yung ibang invited press ay pumasok sa ‘Pinoy Big Brother’ house at binigyan ng task ni Kuya. Kami nina Kyle ay nag-photo op sa confession room sa loob ng Bahay ni Kuya.
‘Yung ibang press ay sumubok maging TV crew sa ‘It’s Showtime’ Director’s Booth. May naglaro rin ng ‘Minute To Win It’ sa Reality Studio.
May naki-Fast Talk with Tito Boy Abunda sa Star Lab, kung saan puwede ring makieksena with John Lloyd & Bea sa ‘One More Chance’, maki-punchline with the kids of ‘Goin’ Bulilit’ at iba pang gimik.
Sa Fantasy Studio ay may ARX na puwedeng makipaglaban with monsters sa isang hi-tech augmented reality game na magugustuhan ng mga millennial.
May 80-seater Kapamilya Theater pa na puwedeng manood ng ‘ASAP 4D’ o kaya ay mag-compete sa multiplayer game na inspired ng ‘Ang Probinsyano’ o ‘La Luna Sangre’.
Ang daming ganap, so mag-e-enjoy dito ang Kapamilya fans. Makakabili rin sila ng sari-saring official merchandise sa 1,400 square-meter studio city na ito ng ABS-CBN na magbubukas na tomorrow, September 16, sa 4th floor ng Trinoma Mall sa QC.