Sinagot na ni Claudine Barretto ang tanong ng mga netizen kung ano ba talaga ang tunay na Instagram account ng ina nilang si Estrella “Inday” Barretto.

Ayon sa paliwanag ni Claudine sa IG, marami raw talagang account ang kanilang ina at inisa-isa niya ito.

“FAMILY @gretchenbarretto @barrettoestrella @barrettoestrellass @estrellabarretto yes she has lots of accounts po,” ang caption ni Claudine sa larawan nila ng ina kasama si Gretchen Barretto.

Matatandaang bago ito ay nag-post si Claudine ng screenshot ng IG Story ng user name na @barrettoestrella na aniya ay account ng ina na inaaming siya ang “Inday” na tinutukoy ni Marjorie Barretto na sasapakin nito.

Pero kapag hinanap mo naman ang nasabing account sa IG ay hindi naman ito makita kaya nagtataka ang mga netizen kung ano ba talaga ang IG account ni Mommy Inday.

MC walang inggit kay Lassy

Paliwanag ni Lassy Marquez na bida ng comedy film na “Two Love You”, wala raw naging issue sa kanila ng kaibigang si MC Calaquian sa pagbibida niya sa nasabing pelikula.

Kasama rin si MC sa “Two Love You” pero parang support siya ni Lassy rito kaya marami ang curious malaman kung hindi ba ito nakaapekto sa friendship nila lalo pa nga’t sila ang itinuturing na mag-partner bilang komedyante.

“Walang naging issue sa amin bilang magkaibigan kasi automatic na sa amin ‘yun, eh. Kung sinuman ‘yung parang medyo nasa ganito, sinusuportahan namin. Happy siya sa akin, eh. Sobrang happy siya. Nararamdaman ko ‘yun bilang kaibigan,” pahayag ni Lassy.

Dagdag pa niya, ever since raw ay talagang supportive sila sa isa’t isa.

“Kung sino ‘yung mahina, aalalayan, kung sino ‘yung malakas, tutulungan pa namin. Ganu’n kami,” sambit ni Lassy.

Ayon naman kay MC, magkukumare raw silang tatlo nina Ogie Diaz na producer ng “Two Love You” bukod pa sa magkakaibigan. Kaya nga raw tinanggap nila agad ang offer.

“So, ganu’n po kalalim ang pagkakaibigan namin kay Kuya Ogie kasi sa comedy bar pa lang po kami, pinapanood na kami ni Kuya Ogie. So nu’ng nagsabi siya kaagad na ‘pwede ka ba sa pelikulang ito?’ sabi ko, ‘pwede ko, Kuya Ogie, basta ikaw.’ Tapos, sabi niya, ‘ok lang ba. . .’ nagpasintabi po si Kuya Ogie, ‘ok lang ba na si Lassy ang bida, ikaw suporta?’ ‘Okay lang po, walang problema do’n, ang importante, lahat kami, may trabaho,’” saad ni MC.

Hindi raw dapat makaramdam ng inggit sa kaibigan kung umaangat ito.

Ayon naman kay Ogie, gusto niyang gawin sina MC at Lassy na parang Panchito-Dolphy kaya kung matutuloy daw ang pangarap niya na makapag-direk ng pelikula ay ang dalawa ang nais niyang idirihe.

Showing na sa sinehan ang “Two Love You” sa Nov. 13 at bukod kina Lassy at MC, kasama rin sa cast sina Yen Santos, Kid Yambao at marami pang iba.

Regine ‘di talaga retokado

Nag-i-emote si Regine Velasquez sa social media dahil may pasa ang kanyang ilong na ayon sa kanya ay natamaan ng head set.

“May katangahan akong ginagawa!!!! I was recording some stuff for ASAP. Pagkatapos ko, tinanggal ko na yung headset sa pagmamadali ko the headset hit the bridge of my nose.

“Tapos when I was fixing my make up parang napansin ko may parang maitin sa nose ko kala ko naman napasobra lang nose line ko.

“But when I touched it masakit pasa na pala I didn’t even realised na malakas pala yung pagkahampas nung headset.

“Tapos paggising ko ayan na sya gandara. Apparently magaling akong dancer medyo may pagka tanga lang.

“Ingat ingat din guys wag tularan ang dancer na Ito by the way maitim din pala yung mata ko hindi naman kasali sa aksudente yan ang tawag dyan ay bonggang bonggang eyebags,” ang caption ni Regine sa mga larawan niya na nagpapakita nga ng pasa niya sa ilong.

At dahil diyan, naungkat na naman ang issue na nagparetoke siya ng ilong.

“And they were saying peke ang nose mo madam isampal mo ngayon yang pic na yan bwahahaha. be careful nxt time,” komento ng isang netizen.

“D totoong fake ang bridge ng nose ni Idol d tumabingi eh!!” sey naman ng isa.