Inarkilang Grab driver niratrat sa beach

Patay ang isang Grab driver matapos pagbabarilin ng isang umano’y lango sa bawal na gamot habang nasa isang beach sa Nasugbu, Batangas noong Martes nang hapon.

Dead on the spot dahil sa mga balang tinamo sa ulo at katawan si Junnel Mar Alano ng Bicutan, Taguig City.

Ayon kay PMaj. Ronald Cayago, hepe ng Nasugbu police, naglalaro ang biktima sa buhanginan sa dalampasigan ng Munting Buhangin Beach Camp sa Brgy. Natipunan nang pagbabarilin ng suspek alas-dos nang hapon.

Bigla na lamang umanong lumapit ang suspek at binaril sa ulo ng ilang beses ang walang kamalay-malay na biktima.

Kinilala ang suspek na si Dennis Esmeralda, 31, negosyante, ng Biñan City, Laguna.

Sa imbestigasyon, lasing sa iligal na droga ang suspek at napagtripan lamang nitong barilin ang biktima na noo’y nasa beach matapos maarkila ang sasakyan nito patungo sa nasabing lugar. (Ronilo Dagos)