Isang 28-anyos na lalaki na may epilepsy ang patay nang atakehin habang nangingisda sa isang fish pond sa Navotas City kamakalawa ng hapon.
Sa ulat nina PO2 Allan Joey Ogatia at PO3 Joemir Juhan ng Navotas City Police – Homicide Unit, alas-kwatro pasado ng hapon nang magpaalam umano ang biktimang si Jonathan Oblianda ng Block 49, Sampaguita Street, Barangay Tanza ng nasabing lungsod sa kanyang mga magulang na mangingisda sa isang fish pond na matatagpuan sa Masipag Street ng nasabi ring lugar.
Bitbit ang isang fishing rod ay nagtungo ang biktima sa palaisdaan ngunit maghahapunan na ay wala pa rin ang biktima kaya hinanap na ito ng kanyang pamilya.
Dumating ang Navotas City Rescue Team at sinuyod ang palaisdaan at sa tulong na rin ng ilan pang mga mangingisda ay natagpuan ang biktima na nakalutang at wala nang buhay.