Inawat ng DBM: Midyear bonus binawi ng Pasay mayor

Biglang binawi kahapon ni Pasay City Mayor Imelda ‘Emi’ Calixto Rubiano ang naunang anunsyo nito na matatanggap na ng mga empleyado ang kanilang midyear bonus bilang tulong sa kinakaharap na public health emergency sanhi ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa isang pahayag ipinaliwanag ng alkalde na kanya itong binawi matapos makatanggap ng isang memorandum mula sa Department of Budget and Management (DBM) na nagsasaad na hindi dapat – advance ang pagre-release o pagbibigay ng midyear bonus sa mga empleyado ng gobyerno.

Alinsunod umano ito sa memoramdum na isinasaad sa ilalim ng Section 8 ng Republic Act 11466 o Salary Standardization Act of 2019.

“Base po sa memoramdum ng DBM ang midyear bonus po ay dapat ibinibigay tuwing buwan ng Mayo lamang po, kaya ito po ay hold muna ang pagbibigay sa mga empleyado ng gobyerno,” sabi ni Rubiano.

Sinabi pa ng alakde maging ang 13th month bonus ay hindi rin ito puwedeng i-advance at ay maibibigay lamang sa Disyembre. (Armida Rico)