Dinampot ng mga awtoridad ang isang 18-anyos na binata na nag-amok sa kanilang lugar sa Navotas City matapos awayin ng kanyang nobya kahapon ng umaga.
Binitbit diretso sa police station si Gino Gaboboy na kinasuhan ng alarm and scandal at illegal possession of bladed weapon dahil sa isang patalim na nahuli sa kanya.
Sa ulat ng tanggapan ni Sr. Supt. Brent Milan Madjaco ng Navotas Police, naganap ang insidente ng alas-10:30 ng umaga sa Lacson St., Brgy. North Bay Boulevard North.
Napag-alaman na inaway umano ng kanyang nobya si Gaboboy na labis nitong ikinagalit hanggang sa nagwala na at panay ang sigaw habang armado ng patalim at hinahamon ang mga nakatira sa lugar na lumaban sa kanya.
Tinangkang awatin ng mga tanod si Gaboboy pero hinamon sila ng duwelo nito.
Kung hindi pa dumating ang mga opisyal ng barangay at pinakiusapan si Gaboboy ay hindi pa sana ito mapipigil sa pagwawala
Agad siyang dinala sa himpilan ng pulisya at sinampahan ng kaso.