Incentives bumabaha kay Hidilyn; red carpet isinalubong sa Zamboanga

Nag-umpisa nang bumaha ang mga pabuya kay Rio Olympics weightlifting women’s 53-kilogram silver medalist Hidilyn Diaz.

Nang dumiretso sa Davao pagdating ng Manila Huwebes ng gabi, dinagdagdagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng P2 million ang kanyang cash incentive.

Sa tinatakda ng Republic Act 10699 (Nationa­l Athletes and Coaches Incentive Act), P5 million ang katumbas ng silver medal ni Diaz mula sa Philippine Sports Commission.

Mula Davao, umuwi na kahapon ng Zamboang­a City si Hidilyn kasama ang mga magulang na sina ­Eduardo at Emelita, at kapwa-Olympian weightlifter Nestor Colonia.

Sinalubong ng red carpet si Hidilyn sa Zamboanga City, mula airport ay nagkaroon pa ng motorcade. Pinangunahan ni Mayor Beng Climaco ang hero’s welcome kay Hidilyn.

May matatanggap na P500,000 mula sa pamahalaan ng Zamboanga City ang 25-anyos na dalaga na nagsimulang mag-weightlifting sa edad na 11.

Inihahanda na rin ng Air Force ang promotion sa pagbabalik ni Diaz­ sa Manila sa Aug. 18, mul­a Air Woman Se­cond Class pa-Air Woman First Class. Miyembro siya ng 710th Special Operations Wing at nakadestino sa Personnel Management Center ng AFP Special Services Group.

Nagpahayag pa ang ACCEL sa pamamagitan ng may-ari nito na si Willie Ortiz na pagkakalooban nila ng P1M sports apparel sa loob ng limang taon kung papayag­ si ­Hidilyn.

Sinabi ng bagong sports hero na magpapatayo siya ng gym sa tabi ng kanilang bahay sa Brgy. Mampang para mabigyan ng pagkaka­taon ang ibang local athletes na magsanay nang libre. Tricycle driver ang kanyang ama at simpleng maybahay naman ang ina.

“Bibilhin ko ‘yun lupa sa tabi ng bahay namin at magpapatayo ako ng gym. ‘Yun ibang pera hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko,” paha­yag ni Diaz.