Inday Sara sa 2022 Presidential elections: ‘Masyado pang maaga’

JC Cahinhinan

SANTIAGO CITY, Isabela – Iginiit ni Davao City Mayor Sara Duterte nitong Miyerkoles na wala pang saysay sa kasalukuyan na pag-usapan ang posibilidad ng kanyang pagtakbo bilang pangulo ng bansa sa 2022 kahit pa siya ang ‘top choice’ umano ng ilang kaalyadong senador.

Sa isang ambush interview sa Santiago City, Isabela, nanindigan si Ma­yor Duterte sa kanya ng naunang pahayag na sa Enero 2021 siya magpapasya kung siya ba ay tatakbo sa mas mataas na posisyon sa pamahalaan.

“As I have said, the best time to decide is January 2021, six months before the filing of candidacy,” paliwa­nag ni Duterte.

Hirit pa ng alkalde, walang patutunguhan sa ngayon ang mga kantiyaw ng kanyang mga supporter na sundan ang yapak ng kanyang amang si Pa­ngulong Rodrigo Duterte dahil marami pang puwedeng mangyaring kaganapan sa mga susunod na araw at buwan.

“Dahil hindi naman kasi natin alam anong mangyayari bukas, it is pointless na mag-decide ngayon kung anong gagawin natin sa 2022,” giit ni Duterte.