Dahil magpa-Pasko na ay naglipana na naman ang masasamang-loob sa ating kapaligiran.

Kaya naman maagap ang ating kapulisan sa pagpapaalala sa publiko na maging maingat upang hindi maging biktima ng iba’t ibang modus na paandar ng masasamang elemento sa ating lipunan.

Kaugnay nito ay nag-umpisa na rin ang Phi­lippine National Police (PNP) sa Metro Manila na mag-deploy ng mga pulis lalo na sa malalaking malls para tiyakin na ma­ging ligtas ang mga magtutungo sa mga malls.

Pero sa kabila ng kaliwa’t kanang deployment ng mga awtoridad ay pinag-iingat pa rin ang publiko upang hindi ma­ging biktima ng modus operandi ng mga kriminal na gumagawa ng iba’t ibang diskarte para maisakatuparan ang kanilang maitim na hangarin.

Sa totoo lang, ramdam na natin ang presensya ng mga kapulisan sa mga pampublikong mga lugar. Napaka-visible na nila, kaya ang mga nagtatangkang gumawa ng kabulastugan ay tiyak na magdadalawang-isip na umatake.

Sa kabila ng presensiya ng ating kapulisan ay mahalaga ring alam natin ang dapat nating gawin kapag tayo ay nasa mga pampublikong mga lugar upang makaiwas sa masasamang-loob.

Aanhin natin ang presensya ng mga awtoridad kung tayo mismo ay nagpapakita ng motibo para tayo ay atakihin ng masasamang elemento gaya ng mga kawatan o mga snatchers.

Kaya para hindi mapuntirya ng mga kriminal, pairalin sa lahat ng pagkakataon ang pagi­ging alerto at higit sa lahat ay hindi pagdi-display ng mga bagay na nakakaagaw ng atensyon sa mga kriminal, gaya ng mga gadgets at mga alahas.

Ang problema kasi, kaya ilan sa atin ay nabibiktima ng masasamang-loob, ay dahil tila tayo mismo ang nagpapain ng ating mga sarili para maging bitag ng mga kriminal.