Pagkatapos tambakan ng Minnesota noong Linggo, kiniliti ni Los Angeles Lakers coach Luke Walton sina Brandon Ingram at Lonzo Ball.
Nag-take over ang dalawa para iahon ang Lakers mula double-digit deficit sa break tungo sa 107-97 panalo kontra Dallas Mavericks Lunes nang gabi.
Umiskor si Ingram ng 29 points, nagdagdag si Ball ng 21.
“I put so much responsibility on them because that’s what I believe they’re capable of doing,” giit ni Walton.
Pagkatapos ng blowout loss sa Timberwolves, nag-usap sina Ball at Ingram at nagkasundong kailangan nilang mag-step up habang wala si LeBron James (groin strain) at veteran point guard Rajon Rondo (finger surgery).
“With the guys out, (we’re) trying to take over and be the leaders of our team,” wika ni Ingram.
Nakakadalawang panalo pa lang ang Lakers matapos mawala si James noong Christmas Day.
Nasa unahan ang Dallas 67-54 sa half pero nalimitahan sa 30 points na lang sa sumunod na dalawang quarters.
Nadiyeta sa 11 of 43 field goal shooting sa second half ang Mavs at napuwersa sa 11 turnovers.
Nanguna sa Dallas ang 27 points ni Luka Doncic, nilista ang anim sa 11 made field goals ng Mavs sa second half kabilang ang tanging dalawang 3-pointers ng team.
Scoreless si Ball kontra Minnesota pero rumesponde ng clutch baskets sa second half. Sa kanyang fastbreak dunk, inagaw ng Lakers ang manibela 82-80 sa dulo ng third quarter. Pinahaginit din niya ang nag-iisang 3 4:23 pa sa laro tungo sa 100-89 LA lead.
Kinamada ni Ingram ang 15 sa kanyang 29 sa second half at namigay ng 6 assists.
Umayuda pa si Josh Hart ng 14 points, 12 rebounds, 6 assists at 5 steals.
Lumaro si Mavs guard JJ Barea sa kanyang 800th game, naging 11th undrafted player mula US high school na nakatipon nito sapul nang magsanib ang NBA at ABA (American Basketball Association) noong 1976.