Nahulog o hinulog?
Ito ngayon ang iniimbestigahan ng mga awtoridad matapos madiskubre ang duguang bangkay ng basurero na tila ginawa nang almusal ng mga insekto gaya ng ipis, sa unang palapag ng isang gusali sa Quezon City, nitong Lunes ng umaga.
Sa imbestigasyon ni PMSg. Julius Cesar Balbuena, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktima ay si Onad Carlos, 28, scavenger, may-asawa, at taga-Del Monte Ave., Brgy. St. Peter, Quezon City.
Alas-7:45 ng umaga (Disyembre 16) nang makita ang bangkay ng biktima sa System Area ng Heritage Multi Office Product Inc. sa No. 13 Linaw St., Brgy. St. Peter, ng nasabing lungsod.
Sa pahayag ni Erwin Lumunsad, utility officer sa nasabing gusali, nagtungo umano siya sa System Area upang buksan ang switch ng water tank nang tumambad ang bangkay ng biktima.
Nabatid naman sa misis ng biktima na si Neslie, huli niyang nakitang buhay ang mister alas-11:00 ng gabi (Disyembre 15) na nakikipag-inuman.
Ayon sa SOCO team na pinamumunuan ni Police Lt. Charibelle M. Jandoc, posible umanong nahulog sa gusali ang biktima.
Gayunman, masusi pa ring nag-iimbestiga ang pulisya kung nahulog o sadyang hinulog ang biktima. (Dolly Cabreza)