Pumuporma si LA Tenorio (5) ng Ginebra para atakehin ang depensa ni Allen Durham ng Meralco sa Game 1 ng PBA Governors Cup Finals. Tumukod ang Gin Kings sa dulo at iginuhit ng Bolts ang unang ‘W’ 114-109. (Patrick Adalin)
Pumuporma si LA Tenorio (5) ng Ginebra para atakehin ang depensa ni Allen Durham ng Meralco sa Game 1 ng PBA Governors Cup Finals. Tumukod ang Gin Kings sa dulo at iginuhit ng Bolts ang unang ‘W’ 114-109. (Patrick Adalin)

Game 2 bukas (Smart Araneta Coliseum)
6:30 p.m. – Meralco vs. Ginebra

Pulling away na ang Ginebra sa halos buong regulation, kanila na nga kung tutuusin ang Game 1 ng PBA Governors Cup Finals.

Pero may ibang balak ang Meralco.

Hindi nasiraan ng loob ang Bolts, nakipagsabayan hanggang makapuwersa ng overtime bago kinumpleto ang 114-109 win para sa 1-0 lead sa best-of-seven series sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Naunahan ni coach Norman Black ang counterpart niya sa Gins na si Tim Cone.

“It’s a good time to beat them,” bulalas ni Black. “We struggled in the first half. (Anjo) Caram helped us defensively. Durham is really a driving force for us. (Allen) Durham is really a driving force for us. Other guys started contributing, we seem to have a good finishing kick these days.”

Game 2 sa Linggo sa parehong venue.

Tumapos si Durham ng dambuhalang 46 points – karamihan nang humabol ang Meralco.

May 17 si Reynel Hugnatan, 15 kay Chris Newsome at 13 kay Jimmy Alapag, huli ang pamatay na 3 pointer na naglagay sa Bolts sa unahan 102-100. Sa dalawang long range bombs na ibinaon, pinantayan ni Alapag ang all-time record na 1,242 career 3-pointers made.

At ang Gin Kings? Parang hindi malaman kung ano ang tumama sa kanila sa dulo ng regulation, nagsimula nang ma-fouled out si Japeth Aguilar sa kasagsagan ng rally ng Bolts.

Nawalan tuloy ng saysay ang nagliliyab na umpisa ni LA Tenorio, makalipas lang ang dalawang quarters ay may 20 points na sinandalan ng Kings sa 53-42 halftime lead.

Bigla, bago natapos ang 48-minute regulation ay naghahabol na ang Ginebra. Si Tenorio ang nakapuwersa ng OT nang sumagasa all the way sa basket para ibuhol ang iskor 102-102.

Pagkatapos iyon ng sablay na minadaling 3-pointer ni Justin Brownlee nang hindi pa nakakapag-setup ng offense ang Kings.

Nagkaroon pa ng dalawang tsansa ang Ginebra na bawiin ang panalo sa regulation, pero sumawsaw lang sa rim ang drive ni Brownlee, nakuha ni Scottie Thompson ang rebound pero iniluwa din ng basket ang kanyang putback.

Tumapos si Tenorio ng career-high 36 points, may 17 si Brownlee, 14 kay Mark Caguioa at 13 si Joe Devance sa Gins.

One Response