Napaaga ang pagpasok ng tag-init ngayong taon. Pagpasok pa lamang ng Marso, pumapalo na agad ang temperatura sa 30 hanggang 33 degrees. Summer na nga talaga. Panahon na upang itabi ang mga jacket at ilabas na ang mga maninipis at preskong mga damit.

Dahil nga napakainit, tiyak na kabi-kabila na naman ang mga summer outing at marami na naman ang mga magsisipagpuntahan sa Tagaytay at Baguio para magpalamig.

Ang sarap sana ng ganu’n pero kapag naiisip ko ang sitwasyon ngayon na nagsisipagtaasan ang mga bilihin pati ang mga produkto at serbisyo, mukhang mas praktikal na maging Team Bahay na lang muna sa ngayon.

Mas dapat paghandaan ang pagtaas ng bill sa kuryente na kasabay ng pagtaas din ng mga pa­ngunahing bilihin kaya sa halip na magpunta sa resort o magbakasyon sa ibang lugar, mas mainam na ilaan na lamang ang ekstrang budget para sa Meralco bill dahil tiyak na tataas ang presyo ng kuryente hindi lang dahil sa nagtaas ang singil kundi dahil tuwing summer ay talagang karaniwang mas tumataas ang konsumo nating mga kons­yumer.

Siyempre mainit eh ‘di gagamit ng aircon o pirming nakabukas ang mga bentilador para kahit paano ay maging presko ang pakiramdam.

Nu’ng makalawa lang, napanood ko ‘yung Meralco Advisory para ngayong buwan ng Marso sa Youtube. Inanunsyo ng Meralco na tumaas ang presyo ng kuryente ngayon nang P0.97.

Buti na lamang at may pagmamalasakit sila sa ating mga konsyumer kaya P0.85 lamang muna ang kanilang ipinataw na dagdag singil. Bukod sa pagtitipid sa paggastos ng pera para may pambayad sa bill sa kuryente at sa iba pa, isa ring maaa­ring gawin natin ay ang ma­ging matalino at masinop sa paggamit ng kuryente.

Ayon sa Meralco Advisory ngayong buwan, kaysa raw gamitin ng matagal ang aircon, mas makakatipid kung gagamitin nang salitan ang aircon at ang bentilador.

Gamitin sa loob ng tatlong oras ang aircon at kapag malamig na ang hangin, patayin na ito at bentilador na lamang ang gamitin upang mapanati­ling umiikot ang malamig na hangin sa kwarto.

Ilan pang tip upang makatipid ay ang pagsusuot ng mga maninipis na damit na siya namang nauukol ngayong panahon ng tag-init. Mas madali kasing plantsahin ang mga maninipis na damit. Ibig sabihin, mas iikli rin ang oras ng paggamit ng plantsa. Mas okay din kung ang mga damit na gagamitin ay ‘yung mga hindi na kailangan pang plantsahin matapos labhan.

Gamitan na lamang ninyo ng kapangyarihan ng fabric softeners! Ugaliin ding tanggalin sa pagkakasaksak ang mga appliance kung hindi naman ito ginagamit upang makaiwas sa ‘phantom load’.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa marami pang paraan ng matalino at masinop na paggamit ng kuryente na tiyak na makakatulong sa ating pagtitipid. Marami pang tips ang maaari niyong matutunan. Maghanap lamang kayo sa internet.

Buti na lamang talaga at nagkusang loob ang Meralco na utay-utaying muli ang pagpapatupad nito ng dagdag singil. Hay! Sana gayahin ng ibang kompanya ang Meralco na hindi lang puro piso ang gusto, mayroon ding puso.