Patay ang isang 32-anyos na babae matapos pagtatagain ng kanyang lasing na kinakasama sa harap ng kanilang anak dahil sa matinding selos, kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Kagyat na binawian ng buhay dahil sa mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Paloma Ortiz, 32, store keeper, at stay-in sa pinagtatrabahuang tindahan na matatagpuan sa 1741 Antipolo Street, sa Sta. Cruz na sakop ng Barangay 364, Zone 34.

Mabilis namang tumakas ang suspek na si Jingoy Mecono, alyas ‘Tootsky’, 39, live-in partner ng biktima, tubong Barangay Ketangsal, Western Samar at helper din sa naturang tindahan.

Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng kuwarto ng mag-live-in partner na matatagpuan sa ikalawang palapag ng tindahan.

Bago ang insidente ay nakikipagtransaksyon umano ang biktima sa isang kostumer sa pamamagitan ng text at sinita ng suspek na noon ay nakikipag-inuman sa kanyang kapwa helper na si Albert Palora sa labas ng kanilang kuwarto.

Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang insidente hanggang sa bigla na lamang kumuha ang suspek ng isang itak na may habang 15 pulgada at sunud-sunod na initak ang biktima sa harap mismo ng tatlong-anyos na anak na si King na nagresulta sa agarang kamatayan nito.

Matapos ang pananaga ay tumakas ang suspek at iniwan ang ginamit na itak sa krimen.

Sa kabila naman ng murang edad ay lumabas ng bahay at humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay ang paslit na anak pero hindi na naisugod sa pagamutan ang biktima dahil patay na.

Tinutugis naman ng mga pulis ang suspek para panagutin sa krimen.