Sorry sa pagbasag sa ilusyon ng iba, pero hindi totoong kay Maine Mendoza galing ang rosary bracelet na sinasabing iniyakan ni Alden Richards.

Kuwento ni Alden nang matsika namin sa set ng “The Gift” nu’ng Friday night, “Bigay po kasi ‘yon ni Jen, isa pong supporter ko from Rome. Jen po ang name niya.

“So, binigay po niya sa akin ‘yon when we met sa Canada, nag-concert po ako.”

Bakit espesyal sa kanya ang rosary bracelet na ‘yon (na may St. Benedict’s cross) na palagi niyang suot at nakikita ‘pag nagpu-post siya ng pic ng right wrist niya?

“Kasi ang tagal ko na po siyang suot,” pakli ng Kapuso actor.

Aniya, napigtal ang nasabing bracelet habang suot niya ito sa isang event. Hindi raw ito ninakaw.

“Kumbaga, hawak ko po siyang gano’n, tapos lumusot po ‘yung isang daliri. Siyempre ang instinct mo ‘pag may naputol, sasaluhin mo ng kamay na free.

“Pagbitaw kong ganu’n, nalaglag lahat,” medyo malungkot na kuwento ng Asia’s Multimedia Star.

So, iniyakan niya ito tulad ng crying emoji na pinost niya sa Twitter?

“Mas naiyak po si Mama Ten, ‘yung assistant ko. Kasi ‘pag may mga shoot kami, tapings, sabi ko, ‘Ma, mawala na lahat, huwag lang ‘yan.

“So, for almost 5 years, pinrotect niya ‘yung bracelet na ‘yon.”

In fairness, kung nawalan si Alden ng rosary bracelet na may sentimental value sa kanya, niregaluhan naman siya ng sinasabing ka-lookalike niyang pari na si Father Joseph ng imahen ng isang 100-year-old Sto. Niño.

Ang galing pa nu’ng coincidence na Father Joseph ang name nu’ng pari at ‘yun din ang pangalan ng karakter ni Alden na si Sep sa inspirational Kapuso serye niyang “The Gift”.

“Sobra. Nu’ng nakuha ko po ‘yon, sabi ko, ‘Bakit sa akin binibigay?’ Kasi, ang ganda niya. Tapos, sabi ni Father, ‘Siya ang tunay na gift sa humanity.’

“Kumbaga, si Sto. Niño is the baby Jesus Christ. So, ‘yun ‘yung pinakaregalo nila sa akin for this project.”

Mas kumapit daw sa kanya ang karakter niyang si Sep ngayong hindi na ito nakakakita. Nu’ng una raw kasi na wala pa siyang ganu’ng eksena ay parang hindi pa ganu’n ka-challenging kay Alden ‘yung role.

Sa unang mulat daw niya sa kama sa eksena ni Sep sa ospital, ang sabi raw niya kay Direk LA Madridejos, “Direk, nandito na ako,” na ibig sabihin ay ramdam na raw niya ‘yung karakter at hindi na niya ito kailangang aktingin.

Ani Alden, mahirap gumanap na bulag dahil nagsusuot daw siya ng contact lens, so mahirap maging emotional dahil parang may humaharang.

Kaya extra effort daw ‘yon sa kanya to motivate himself at i-push ang sarili niya sa dramatic scenes.

Natutuwa siya na ang daming pumupuri sa kanya at sa “The Gift”, pero dahil daw ‘yon sa magaling ang cast, ang writers nila at lalo na ang kanilang director.

Kaya motivated daw silang magtrabaho lalo. Hinihingi rin ni Direk LA ang opinyon nila sa mga eksena kaya talagang collaborative.

Kung anong ma-feel nila sa moment na ‘yon, puwede nilang i-suggest o gawin ang kung tawagin ay actor’s impulses. Kaya kung minsan ay may sinasabi raw siya na wala sa script at may little things siyang ginagawa sa scene para mas maging realistic.

Sobrang saya raw ni Alden sa magagandang comments about the show. At nagugulat din siya na ‘yung mga kaibigan niyang hindi nanonood dati ng mga soap opera niya ay hooked na hooked ngayon sa “The Gift”!

Nadine dapat kabahan kay Nancy

Kung may Philippine adaptation ang GMA ng hit Korean drama na “Descendants of the Sun” na pagbibidahan ni Dingdong Dantes, mukhang may pantapat dito ang ABS-CBN.

After i-announce ng Siyete na si Jennylyn Mercado ang magiging kapareha ni Dingdong sa Pinoy version ng “DOTS”, ayaw pakabog ng Dos at in-announce naman na may balik-teleserye si James Reid at ang kapareha nito ay isang Korean pop star.

Kung localized K-drama ang sa GMA, kumuha naman ang ABS ng mismong Koreana para maging leading lady ni James sa “Soulmate”.

At ang chika, by January 2020 pa raw eere ang serye ni James with Nancy of Momoland. Eh early next year din ang serye ng DongJen, so alam na ang magaganap na tapatan.

Ngayon pa lang ay triggered na ang ilang JaDine fans at imbiyerna sila na sa ibang babae ipapareha si James at K-pop star pa.

Hirit ng buskador na fans, “Ang ganda talaga ni Nancy. Kabahan ka na, Nadine!”

Grabeh nemen. Ayun tuloy, may tweet si James na, “Im honoured to be part of the new project ‘Soulmate’ on ABS-CBN but please guys, no love team names. I’ve already got one #jadine.”

‘Yun na! PAK!!

Marco, Julia nagbakasyon sa Siargao

Walang pinost na pic si Marco Gumabao na kasama niya sa Siargao si Julia Barretto, pero sa isang video sa IG Story ni Marco ay nakita naming nandu’n si Julia at ka-bonding ni Marco and his friends.

Nagbakasyon sa Siargao si Marco para mag-recharge after matapos ng afternoon soap niya na “Los Bastardos”.

Malapit si Marco kay Julia at maging sa pamilya nito, so posible kaya na magkaroon ng romantic involvement ang dalawa?

Mukhang single naman sila pareho so… baka kering i-push ang MarLia?!

How ironic na ang ex-BF at ka-love team ni Julia na si Joshua Garcia ay kapareha ngayon ng close friend ni Julia na si Janella Salvador?

At ang last guy na na-link kay Janella bago nito naging boyfriend si Markus Paterson ay si Marco!

Small world, ‘di ba? PAK!!