Injured Army vs. well-oiled Foton

Mga laro ngayon (Malolos Sports and Convention Center)
4:00 p.m. — Generika vs. Amy’s
6:00 p.m. — Foton vs. RC Cola-Army

Nanganganib nang mapagsarhan sa susunod na round ang RC Cola-Army, krusyal ang pakikisagupa sa Foton mamaya sa Malolos Sports and Convention Center para paypayan ang tsansang umabante sa Philippine Superliga All-Filipino Conference.

Markadong heavyweight ang Lady Troopers sa pag-uumpisa ng torneo, pero unti-unting nauubusan.

Nalagasan pa ng isang veteran kay Rachel Anne Daquis na nagkaroon ng left foot injury sa laro kontra Tornadoes sa Lipa, at nakalistang day-to-day kung makakalaro o hindi.

Silat ang RC Cola-Army sa Foton sa five sets, nasundan ng pag­yuko sa Petron at tinapos ang second round na may isang panalo lang sa three matches. No. 4 ang Lady Troopers sa semis, nasa top spot ang ­unbeaten Tornadoes.

Kapag muling nasilat ang RC Cola-Army ay magkakasya na lang sila sa pakikipagbakbakan para sa 3rd place kontra sa matatalo sa isa pang semis match sa pagitan ng Petron at F2 Logistics sa Sabado sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Sa kabilang banda, humaharurot ang Foton na parang bagong palit ang langis sa makina, isa-isang itinumba ang Lady Troopers, Petron at F2 Logistics.

“We are peaking at the right time. I like how the team is playing right now. The morale is high and the mood in training is very lively. I just hope we sustain it,” wika ni Foton coach Villet Ponce-de Leon.