Injuries, Lady Pirates naligtasan ng Ateneo

Maraming kulang sa bagwis ng Ateneo pero nailipad pa ang 25-23, 25-20, 25-20 panalo laban sa Lyceum kahapon sa Premier Volleyball League Collegiate Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Kahit may ankle sprain, nagtala si Maddie Madayag ng nine points para sa Lady Eagles, dinagit ang pangalawang panalo sa tatlong laro.

Nilapa naman ng NU Lady Bulldogs ang FEU Lady Tamaraws 22-25, 28-26, 29-27, 25-22 para masolo ang unahan sa Group A.

Bago nagsimula ang laro, pilay agad ang Ateneo dahil wala sina top hitter Jhoana Maraguinot (left ankle sprain), Kim Gequilla (left knee) at Ana Gopico (hamstring).

Tumulong sina skipper Bea de Leon, Ponggay Gaston at Jules Samonte ng tig-eight points sa Lady Eagles, may seven si Kat Tolentino.

“Definitely we’re happy about the win, it’s always good to win so very happy,” wika ni De Leon.

Nalaglag sa 1-2 ang Lady Pirates, kasalo ang San Sebastian sa fourth spot sa Group A.

Nanguna sa opensa ng Lady Pirates si Rocelyn Hongria na may 12 mar­kers, may pinagsamang 17 sina team captain Cherilyn Sindayen at Cherry Genova.

Nagtulong sina Jaja Santiago at Aiko Urdas para ilapit ang NU sa puntiryang third straight title sa event na inorganisa ng Sports Vision.

Bumira si 6-foot-5 Santiago ng 22 attacks, three service aces at isang kill block tungo sa 26-point outing.