Walang kasalanan ang anak ko.

Ito ang giit ng ina ng dinakip na 17-anyos na suspek sa brutal na pagpatay kay Christine Silawan, 16, na natagpuan noong Marso 11 na binalatan ang mukha at tinanggalan pa ng dila, lalamunan at trachea.

Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang sinasabing dating nobyo ni Silawan noong Sabado batay umano sa nakuha ng closed circuit TV camera (CCTV) kung saan nakitang magkasabay umano ang suspek at biktima.

Kinuwestiyon ng ina ng suspek ang kuha ng CCTV dahil likod lamang aniya ang kita at hindi makumpirma na ito ang kanyang anak. Bukod dito, nasa bahay umano ang kanyang anak nang mangyari ang pagkawala ni Silawan, at nakapasok pa ito sa eskuwelahan nang araw na makita ang bangkay ng biktima.