Nagpahayag ng pag­kabahala para sa kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan sa Sulu si dating Presidential Poli­tical Adviser Atty. Francis N. Tolentino, kasunod ang naganap na pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo noong nakaraang Linggo ng umaga.

Matatandaang dala­wang bomba ang sumabog sa gitna ng pagdiriwang ng Banal na Misa na kumi­til ng 18 buhay at sumugat sa humigit kumulang na 82 sibliyan at militar.

“Nakalulungkot na sa gitna ng pagsisikap ng ating pamahalaan sa pa­ngunguna ng Pangulong Duterte na makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, may mga salungat na puwersang pilit na humahadlang sa pagsulong tungo sa pag-unlad,” ani Tolentino.

Dagdag pa ng dating kalihim, kinakailangan ang kapayapaan upang maisakatuparan ang layunin na mapaunlad ang Mindanao at mapalaya ang ating kababayang Muslim sa kahirapan at pagka-ipit sa kaguluhan.

Mariing kinokondena ni Tolentino ang pagpapa­sabog na naganap sa Katedral ng Birhen ng Mount Carmel at nakikiisa siya sa panawagan para sa masusi at mabilisang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga may pakana nito.

Ayon kay Tolentino, isang magandang simula na sana ang matagum­pay na plebesito noong nakaraang Enero 21 para sa Bangsamoro Organic Law. Subalit sa pagsabog na naganap sa Jolo, tila hinahamon na naman ang pagkakaisa at kapayapaan sa bahaging ito ng Pilipinas.

“Ang Bangsamoro Organic Law ay ang susi na magbubukas sa mga kababayan natin sa Mindanao sa isang bagong rehiyon na mapayapa, maunlad at nagkakaisa. Sa gitna ng lahat ng kaguluhan at pagkakahati-hati, ang mga inosenteng sibilyan ang naiipit at nalulubog sa kahirapan at panganib. Kapayapan lamang at mabuting pagbabago sa buhay ang kanilang tanging hinahangad para sa kinabukasan” pahayag ni Tolentino.