Sa susunod na linggo ay ipagdiriwang ng Pilipinas ang taunang Insurance Consciousness Week. Sa linggong iyon ay pag-uusapan ang kahalagahan ng insurance sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Isa sa mga tatalakayin ay ang insurance sa sasakyan.
Dalawang klase ang insurance para sa mga sasakyan. Ang una’y ang tinatawag na TPL o third party liability. Ito ay proteksyon ng ibang tao sa perwisyong maaaring idulot sa kanila sakaling maaksidente ng sasakyang naka-insure. Ang ibig sabihin, dito kukunin ang pambayad sa mga namatay o nasaktan sa aksidente.
Sa Compulsory TPL (CTPL) o yung TPL na kailangang bilhin sa tuwing magpaparehistro ng sasakyan, ay bodily injury lamang ang binabayaran. Hindi sakop ang property damage kaya mura lang ang premium. Dahil dito, hindi babayaran ng insurance ang sasakyan o anumang property na nasira matapos mabangga ng insured. Pero maaaring kumuha ng karagdagang TPL coverage para sa property damage. Siyempre, may karagdagang premium din.
Ang ikalawang uri ng car insurance ay ang tinatawag na Comprehensive. Sakop nito ang lahat ng masamang bagay na puwedeng mangyari sa sasakyan, mabangga man ito o ma-karnap. Ang hindi lamang sakop nito ay ang tinatawag na “acts of God” gaya ng bagyo, baha at lindol. Pero gaya ng karagdagang TPL, maaaring kumuha ng additional coverage para sa acts of God sa pamamagitan ng pagdaragdag ng premium.
Bakit importante ang car insurance? ‘Yan ang paksa ng kolum natin sa Linggo. Abangan!
* * * *
Email: junep.ocampo@gmail.com