Upang masiguro na nagagamit sa tama at hindi naibubulsa ang intelligence fund ng local government units (LGUs), isang special team ang bubuuin ni Pangulong Rodrigo Duterte na sisilip kung paano nagagastos ang nasabing pondo, gayundin kung saan napupunta ang kanilang discretionary funds.
Sinabi ni Pangulong Duterte na makatutulong ang special team para rebyuhin kung saan napunta ang nasabing pondo ng mga gobernador at mayor. Malalaman umano dito kung pinambili lamang ng mamahaling sasakyan ang pondo o nagamit ba sa kanilang nasasakupan.
Ang aksyon ni Pangulong Duterte ay kasunod na rin ng pagpuna na marumi ang Pilipinas dahil walang ginagawa sa garbage management ang mga local government official, ang discretionary funds ay maaaring magamit dito kung walang kaukulang pondo ang lokal na pamahalaan.
“Ang dumi ng Pilipinas, the mayors are not doing anything. There is trash and garbage around and if you — you have to wait for the plastics to go inside the drainage so every time there’s downfall, excessive rain, water nagka-clog. You know mayor, kayong mga mayor may discretionary funds. Governors may discretionary funds kayo, I will look into it. I will create a special team. I will review pati ‘yung intelligence funds ninyo, ‘yan ang pinakamadali mapasok sa bulsa,” pahayag pa ni Pangulong Duterte.