Asahan pa, ayon kay Quezon City Police District Director Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang mga susunod na sibakan sa hanay ng QCPD sa mga darating na araw.
Para kay Eleazar ito lamang ang natatanging paraan para maisakatuparan ang internal cleansing sa hanay ng QCPD ngayong maigting ang kampanya kontra iligal na droga.
Sa pamamagitan ng ipatutupad na internal cleansing ay nakatitiyak daw siyang mas magiging solido at seryoso ang pakikipaglaban sa droga ng kapulisan lalo na sa kanyang distrito.
Sa katunayan, nakaraang Linggo ay may nagbuwena-mano na sa sibakang ipinatupad ni Eleazar.
Sinawimpalad na tamaan ang 88 tauhan ng Anti-Illegal Drug Units ng QCPD at sinundan ng 53 pang mga tauhan ng Anti-Illegal Drugs ng QCPD Station 6.
Nauna rito ay 35 na mga tauhan ng PNP ang sinibak at ipinatapon sa Mindanao.
Pero hindi dapat husgahan si Director Eleazar sa kanyang naging desisyon dahil ginawa niya ito alinsunod sa rekomendasyon ng kanyang mga station commander, ibig sabihin may nagrekomenda at hindi siya basta-basta nagdesisyon kumbaga dumaan ito sa proseso.
Para kay Eleazar, wala siyang magagawa kundi alisin ang mga tauhang kontaminado na para hindi na mahawa ang ibang mga pulis na nananatiling tapat sa tungkulin.
Dahil human resources ang siyang pangunahing asset ng pulisya, wala nga namang ibang pagpipilian si Eleazar kundi tanggalin ang mga may diperensya at sila ay palitan, para ang kontaminasyon ay hindi na lumawak dahil mahirap na itong gamutin ay hindi malayong makahawa pa.
Kaya kung mga tauhan ay kayang sagasaan mas kakayanin ni Director Eleazar ang mga sindikatong nasa likod ng operasyon ng iligal na droga.
Sabi pa ni Eleazar, kahit higante at mga pader ang kanyang binabangga ay hindi siya nagpapadala sa mga pananakot at banta dahil lahat ng paraan ay kanyang gagawin upang seryosong maipatupad ang kampanya kontra iligal na droga na iniutos nina PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa at National Capital Region Police Director Chief Supt. Oscar Albayalde.
Anumang sibat ang humarang sa kanya ay susuungin ng kanyang pamunuan mapagtagumpayan lamang ang giyera sa iligal na droga.