Ipinarating ng mga kapwa table tennis players sa mundo ang suporta kay Filipina Olympian Ian ‘Yanyan’ Lariba sa kanyang laban sa leukemia.

Naka-post sa International Table Tennis Federation (ITTF) Facebook page ang panghihikayat sa 22-anyos at Cagayan de Oro native na ituloy niya ang kanyang laban sa naturang karamdaman.

Kabilang sa international table tennis players na nagpahatid ng mensahe kay Lariba ay ang mga Chinese na sina reigning world No. 2 Fan Zhendong at No. 3 Xu Xin, Romanian Elizabeta Samara at German Petrissa Solja.

Kasalukuyang humahambalos ang apat na ping-pong players sa 54th World Table Tennis Championships sa Dusseldorf, Germany na nagbukas noong May 29 at tatagal hanggang June 5.

Papalo rin sana doon si Lariba bago siya nasuri sa nabanggit na sakit kaya hindi na nakalahok.

Natapos ang video sa mensaheng  “Table Tennis Family stands behind Ian Lariba.”