Tumakas, ngunit hindi nilubayan ng riding-in- tandem ang isang la­laki hanggang sa mapatay sa loob ng internet café sa lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Hindi na naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan at nasawi agad si Jason Nataba, 36, ng Phase 9, Package I, Block 5, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, ganap umanong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente habang naka­tambay ang biktima kasama ang mga kabarkada sa tapat ng isang internet cafe sa kanilang lugar.

Bigla na lamang umanong dumating ang dalawang kalalakihang lulan ng iisang motorsiklo at walang habas na pinaputukan ang biktima dahilan upang magtakbuhahan palayo ang mga kaibigan nito. Nagawa umanong mailagan ng biktima ang mga putok ng mga salarin at mabilis na tumakbo papasok ng nasabing computer shop.

Ngunit desidido talaga ang mga suspek na mapatay siya, kaya sinundan pa ng mga ito sa loob ng nasabing establisiyimento ang biktima at doon kinorner at pinagbabaril hanggang sa mapatay.

Sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Ope­ratives (SOCO) ay wala namang umanong kahit anong iligal na droga ang na-recover sa mga labi ng biktima, ngunit nakuhaan ito ng isang patalim.

Na-recover din sa lugar ang mga basyo ng bala mula sa .45 caliber na baril.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya.