Intriga at kontrobersiya sa PCSO

For the Record by Aileen Taliping

Matapos ang palitan ng akusasyon, ‘word war’ at palitan ng maaanghang na salita sa media ay mukhang hindi nakatagal ang isang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at minabuting magbitiw na lamang ito.

Opisyal na inianunsiyo kahapon ng Malacañang ang resignation ni PCSO Chairman Jose Jorge E. Cruz dahil sa isyung pangkalusugan.

Pero iba ang nasa isip ng publiko dahil naging sentro ng kontrobersiya noong Disyembre ang ahensiya matapos ibunyag ng kanilang Director na si Sandra Cam ang maluhong Christmas party na ginastusan ng anim na milyong piso.

Lumaki ang isyu at nagbatuhan ng akusasyon ang mga opisyal at iniladlad sa publiko ang away na parang mga batang ayaw magpatalo sa isa’t isa.

Naiisip kaya ng mga PCSO officials na sila-sila ang sumisira sa ahensiya sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte?

Lingid sa kaalaman ng publiko, dumanas umano ng stroke ang PCSO Chairman kamakailan dahil sa mga inilabas na intriga ng kanilang kasamahang opisyal.

Kaya pala ang nagsasalita lamang sa isyu ay si PCSO General Manager Alexander Balutan at si Cam na kalaunan ay lumihis na sa isyu ng Christmas party at nagbatuhan na ng akusasyon, na ang iba ay tila kuwentong kutsero na lang.

Batid na rin siguro ng mga PCSO officials na inoobserbahan na sila ng Malacañang at bagama’t wala pang sinasabi si Pangulong Duterte ay tiyak na may gagawing aksiyon sa mga ito.

Malinaw ang patakaran ng Presidente sa mga binigyan ng puwesto sa gobyerno — magtrabaho at magsilbi sa tao at huwag maging corrupt.

Pagkaupo ni Cam sa PCSO board ay inihayag nitong lilinisin ang ahensiya sa katiwalian, pero banat naman ni Balutan, tila hindi alam ni Cam kung ano ang tungkulin ng board member, limitado lamang aniya ito sa paggawa ng polisiya ng ahensiya.

Sa halip na tutukan ang trabaho ay nahahati na ang panahon ng PCSO officials para sagutin ang banat sa kanila… hmm hindi maganda para sa isang ahensiya.

Nagtataka lang ang ilan dahil wala namang ganitong isyu at intriga sa ibang ahensiya ng pamahalaan. Ito ba ay dahil sa mga nangangasiwa, o napasukan ng ‘panggulo’ ang PCSO?

Siguro dapat ipaalala at ipaintindi sa mga appointees ang palaging sinasabi ni Pangulong Duterte na sila ay TRABAHANTE lamang sa gobyerno at hindi sila mga Konde at Kondesang dapat tingalain.

Hoy, magtrabaho kayo! Public service ang magtrabaho sa gobyerno at hindi para magpayaman o mangumisyon sa sugal, Small Town Lottery man ‘yan o ano pa man, mga buwiset!

Sabagay, kapwa whistleblower ang naiwan sa PCSO kaya goodluck sa inyo, magpagalingan na lang kayo at matira ang matibay. Alalahanin niyo, walang forever, baka bukas makalawa goodbye na rin kayo diyan!