Inulan ng batikos

Umani ng batikos sa ilang sector sa industriya ng karera ang umano’y panukala sa Kamara tungkol sa pagdaragdag pa ng mga res­ponsibilidad para sa Philippine Racing Commission (PHILRACOM) tulad ng dog at pigeon racing na inilabas natin nitong nakaraang linggo.

Ilan sa mga nakara­ting sa ating text at email ay ang mga sumusunod:

* Reynaldo Usmali, beteranong karerista – “Ano ba ‘yan, ganyan na ba kababa ang ating mga mambabatas at kinakailangan pa nilang ilagay sa PHILRACOM ang mga ipapasok na dog at dove racing? Ano na ba ang nagawa n’yang PHILRACOM para dagdagan pa ng trabahong ganyan? Meron naman ta­yong PAGCOR at GAB. Pati pa ba ‘yan pag-aaksyahan nila ng panahon at pera ng bayan?”

* Isang horse owner na ayaw magpalagay ng pangalan – “Hindi na nga nagagawa ng opisinang ‘yan ang kanilang mandato na palakihin ang karera sa bansa, bibigyan pa ng ibang responsibilidad? Matindi na ang ibi­nagsak ng karera nitong nakaraang dala­wang taon at marami na ang mga investors na umaalis dito.

Hindi kasi nakikita ng Kamara kung gaano na kalugmok ang industriya ng karera sa bansa. Maawa naman kayo sa horseracing industry!”

*  Isang dating opis­yal ng gobyerno na nakiusap ding huwag nang ilagay ang pangalan n’ya — “‘Yan ang problema sa isang sangay ng pamahalaan na inilipat ang pamamahala sa Office of the President. Since na walang pakia­lam ang mga namamahala natin ngayon sa karera, bahala na lang ang mga investors dito na malugi.

Masyadong maliit ang industriyang ito kung ikukumpara sa ibang industriya na bilyun-bilyong piso ang ipinapasok sa kaban ng gobyerno.”