Bago ko talakayin ang isang nakakagigil na isyung isinumbong sa atin ng isa nating source ay nais ko munang batiin si dating NCRPO Major General Guillermo Eleazar sa kanyang promosyon.

Iniluklok si Gen. Ele­azar bilang PNP chief of the directorial staff at pinalitan ito ni Brig. Gen. Debold Sinas na dati namang director ng Police Regional Office-7.

Sabi ko na nga ba sa dami ng accomplishment ni Gen. Eleazar bilang NCRPO chief ay hindi na ako magtataka kung agad-agad itong mapo-promote.

Hindi lang ang promosyong nakamit ni Gen. Eleazar ang good news kundi ang isa pang magandang balita na ibinahagi mismo ng malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte na si Sen. Bong Go.

At ito ay ang pina­kaaabangan ng mga naniniwala kay Gen. Eleazar na pagkakahilera niya sa mga pagpipilian ni Pangulong Duterte na PNP chief.
Isa ayon kay Sen. Bong Go itong si Gen. Eleazar sa listahan ni Pangulong Duterte.

Kaya kay Gen. Ele­azar good luck sir at nawa’y kayo ang maluklok na susunod na PNP chief dahil sa napakaraming accomplishment na nagawa ninyo sa PNP at higit sa lahat ay hindi kailanman nasabit sa isyu ng kalokohan.

***
Manyak na piloto sibakin na!

Isang tsika ang ipinaabot sa inyong lingkod ng isa nating masugid na tagasubaybay.

Ito ay patungkol umano sa mainit na usap-usapan ngayon sa mundo ng panghimpapawid patungkol sa isang hepe ng mga piloto ng isa sa mga sikat na airline sa bansa.

Ayon sa sitsit, pinagtatakahan ng mara­ming piloto dahil nanatili sa puwesto ang hepe ng mga piloto kahit na nagretiro na pero wala pa ring kabalak-balak bumaba sa puwesto.

There’s more dahil ang hepeng ito raw ng mga piloto ay nasasangkot din sa usapang legal.

Kaya nga raw nandidiri na sa kanya ang kanyang mga kapwa piloto pero tila manhid at hindi ito maramdaman.

Ang kaso ng hepe ng mga piloto ay may kaugnayan sa reklamo ng tatlong flight attendant na diumano’y hinarass nito. Naging mabigat na pruweba laban sa hepe ay ang mga mensahe sa text at viber nito sa tatlong flight attendant na naglakas loob magsampa ng kaso sa kanya.

Kaya nagtatanong ang mga kapwa piloto nito kung bakit hinahayaan ng pamunuan ng airline na pinagseserbisyuhan nito ang ganitong gawain.

Aba kapag sumabog ang balitang ito tiyak na makakaapekto ito sa inaalagaang integridad ng nasabing airline, kaya sana ay magi­sing na ang pamunuan at aksyunan na ang isyung ito laban sa kanilang opisyal.