Lumapit ang UP sa Final Four matapos disarmahan ang NU 25-14, 25-27, 25-21, 25-21 sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Nagtulung-tulong sina Kathy Bersola, Isa Molde at Diana Carlos na may tig-14 puntos para sa UP, nag-ambag sina Aiesha Ganaban at Marian Buitre ay nag-ambag ng 13 at 12.
Iginiit ni UP assistant coach Rald Ricafort na ang goal nila ay makakuha ng panalo.
“Every game kailangan i-minimize ‘yung naging errors namin na nagpatalo sa amin nang sunud-sunod before. So meron naman, pero sana ma-correct ng tuluy-tuloy and medyo naging efficient ang mga attacks kaya ganoon ang kinalabasan,” aniya.
Umangat sa 7-5 ang UP katabla ng biktima. Nasa No. 1 ang Ateneo (10-2) kasunod ang La Salle (9-2) at UST (7-4).
“Sa morale, inuunti-unti, since UE game, Adamson, then ‘yung today. Medyo malaking tulong sa amin kasi galing kami sa 1-5. So ayun, unti-unti pa rin. Nasa process pa rin kami. Hindi pa rin kami sobrang confident,” pahayag ni Ricafort.
Halos doblehin ng UP ang atake ng NU (42-25) at service ace (14-8) pero dikit ang giyera sa net na nakuha ng Lady Maroons (16-13).
Tumapos si Jaja Santiago ng 18 points mula sa 10 kills, seven blocks at service ace, nag-ambag si Aiko Urdas ng 12 sa Lady Bulldogs.
Pinaglaruan ng Lady Eagles ang Adamson 25-13, 25-13, 25-11 sa first game.
Tumapos si Kim Gequillana ng 11 puntos para sa Lady Eagles.
Nabaon pa lalo sa 0-12 ang Adamson.