Mula nang umarangkada ang giyera kontra-droga ng gobyerno, libu-libo na ang napapatay sa nakalipas na mahigit isang taon.

Pero ang hinihintay pa rin ng mga kababayan natin eh ang masakote ang talagang mga ‘big fish’ na nagpapakalat ng droga sa bansa.

Puna ng ating kurimaw, mga ‘dilis’ o kaya naman eh ‘galunggong’ pa lang ang mga nasasakote o natutumba sa kampanya kontra-droga.

Kasi naman, ang mga kadalasan na nababalitang napapatay o nahuhuli sa mga operasyon ng mga awtoridad ay mga tulak na kung P500 ang halaga ng droga, at iilang gramo rin ng shabu ang sinasabing dala-dala nila.

Sabagay, may ilang operasyon din naman na milyon ang halaga ng droga na nakukumpiska pero hindi naman kilala ang mga personalidad na naaresto.

Ang kadalasan pa nga, kung milyon ang halaga ng droga na sangkot, aba’y nahuhuli ang mga ito nang buhay at hindi ‘nanlalaban.’

Ngunit kung sa mga lugar na sagigilid ang operasyon ng mga awtoridad, kadalasang patay ang mga suspek at may nakukumpiskang ilang piraso ng sachet na may laman daw na hinihinalang droga at ilang daang piso na markadong pera.

Ang nakapanghihinayang, may pagkakataon na sanang makapagbida nang bonggang-bongga ang mga awtoridad sa nasakoteng daan-daang kilo ng shabu na nagkakahala ng mahigit P6 bilyon sa isang bodega sa Valenzuela noong Mayo, ang kaso nagkaroon ng kontrobersiya.

Ang problema, lumilitaw sa magkahiwalay na imbestigasyon ng Senado at Kamara na may mga sabit ang ginawang operasyon ng mga taga-Bureau of Customs at National Bureau of Investigation sa bodega, at maraming katanungan ang hindi mahanapan ng kasagutan.

Bago kasi nasakote ang mga droga sa bodega, nakalusot na muna ang kargamento na nagmula sa China sa pagbabantay ng mismong BOC.

Wala ring kahirap-hirap na nakalusot ang kargamento dahil dumaan ito sa tinatawag na ‘green line’ o yung bang parang ‘VIP’ line.

At sa tulong daw ng counterpart ng BOC sa China, nahabol ang droga sa isang bodega sa Valenzuela, at doon na nangyari ang itinuring ‘pinakamalaking’ drug bust sa bansa.

Ang kaso, maraming nakakaintrigang tanong ang mga mambabatas sa nangyaring pagsakote sa droga, at isa na rito ang pagkawala sa eksena ng Philippine Drug Enforcement Agency, na siyang pangunahing ahensiya na panlaban sa droga.

Bakit din daw inapura ang pagsalakay at pagbubukas sa mga pinaglalagyan ng droga kahit walang search warrant na maaaring maging teknikal na usaping legal pagdating sa korte.

Ang matindi pa nito, sa laki ng halaga ng droga, walang ibang naaresto maliban sa ‘dilis’ na caretaker ng bodega. Parang pelikula at gaya sa ibang operasyon, nakatakas ang mastermind.

Mabuti na lang hindi ‘nanlaban’ ang caretaker at baka siya pa ang itinurong may-ari ng shabu para sarado na usapan at hindi na hanapin pa kung sino ang ‘malaking isda’ na may-ari ng kargamento at ang kaniyang mga ‘malalaking isdang’ padrino.’

Hindi natin masisisi  ang ilang mambabatas kung madismaya sila sa halip na matuwa sa ‘biggest bust’ daw sa droga.

Hanggang ngayon ay nagtuturuan ang mga taga-BOC kung sino ang dapat managot na nakalusot sa kanila ang kargamento, at hindi rin matukoy ang mga taong dapat na makulong na nasa likod ng napakaraming drogang naipuslit sa bansa.

Sabi nga ni Senador Angara, may krimen na nangyari pero parang lumalabas na walang kriminal, only in the Philippines.

Laging tandaan: ‘Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.’ (Twitter: follow@dspyrey)