LAUSANNE, Switzerland (AP) — Tinabla ng Olympic leaders ang panawagan ng anti-doping officials na patawan ng complete o blanket ban ang Russia.
Sa halip, napagdesisyunan nitong Linggo na hayaan ang individual sports federations na mag-desisyon kung aling atleta ang bibigyan ng go-signal para lumaro sa Rio de Janeiro Games sa susunod na buwan.
Dahil kailangan daw protektahan ang karapatan ng individual athletes, umiwas ang International Olympic Committee na sarilin ang desisyon kung iba-ban ang buong Russian team bunga ng alegasyon ng state-sponsored doping. Sa halip, ipinasa ng IOC ang responsibilidad sa 27 international sports federations para magdesisyon sa case-to-case basis.
“Every human being is entitled to individual justice,” ani IOC president Thomas Bach pagkatapos ibaba ng 15-member executive board ang ruling.
Naglatag ang IOC ng matinding criteria na posibleng makaapekto sa overall contingent ng Russia at sa medal hopes nila sa Rio. Sa Aug. 5 magbubukas ang Rio Olympics.
Sa ilalim ng criteria, hindi papayagang sumali sa games ang Russian athletes na may bahid ng doping violation, nakastigo man ang mga ito o hindi.
Inatasan din ang international sports federations na busisiing mabuti ang drug-testing record ng Russian athlete bago payagang sumabak.
Umani ng batikos mula sa anti-doping bodies ang desisyon ng IOC. Tatamaan daw nito ang mga “clean athletes” at nawalan ng saysay ang ideya ng pantay na kumpetisyon.