Ipagbawal na ang vape

Aksyon Lady, Kaye Dacer

Nakakatakot ang isang insidente kung saan ay isang binatilyo ang nasabugan sa bunganga ng hinihithit nitong electronic cigarette o vape na nauuso ngayon sa mga kabataan.

Lumalabas sa mga ulat na nalagas ang ngipin, nasugatan ang mata at namusarga ang bibig ng 17-anyos na binatilyo.

Ang sabi pa sa ulat, isang secondhand vape na ginamitan ng palyadong baterya ang ugat ng trahedyang inabot ng binatilyo na agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center kung saan ay masusing ginagamot ngayon.

Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng pangamba sa publiko, partikular sa mga mambabatas upang maglatag ng hakbangin at maiwasan na ang ganitong pangyayari.

Katulad na lamang sa Kamara isang kongresista ang na­ngalampag sa Department of Trade and Industry (DTI) at Food and Drug Administration (FDA) para magpatupad ng regulasyon.

Inirekomenda rin ng pagpapatupad ng recall order sa produkto.

Dapat din umanong magkaroon ng regulasyong alisin ang mga sub-standard na produkto sa merkado upang hindi na maulit ang pangyayari at hindi na makapambiktima pa.

Ang sa akin kailangan na talagang magkaroon ng regulasyon sa produktong ito dahil nagkalat na ang mga gumamit ng vape.

Hindi lang nagkalat, lantaran na rin paggamit ng vape lalo na ng mga estudyante.

Nagkalat na rin ang mga vape store kung saan ay walang pinipiling kustomer kaya kahit mga menor de edad ay tumatangkilik na ng naturang produkto.

Mismong ang Department of Health (DOH) na ang umaming delikado ang vape.

Manganib ayon sa DOH ang vape dahil wala itong pinagkaiba sa paninigarilyo.

Katulad ng yosi may masama ring epekto sa kalusugan ang vape.

Muli ring nanindigan ang DOH na hindi nila ikinunsidera na maging alternatibo sa sigarilyo ang vape dahil may halo rin itong kemikal na hindi rin mabuti sa kalusugan ng tao.